
Mass at Sto. Domingo Church, Aug. 21, 2023
Homily delivered by Archbishop Socrates B. Villegas at the Mass marking the 40th death anniversary of Benigno Aquino, Jr. at Sto. Domingo Church, Aug. 21, 2023, 10 a.m. The Mass was concelebrated by bishops and priests, including Bishop Pablo Virgilio David, Bishop Honesto Ongtioco, Bishop Emeritus Francisco de Leon, Bishop Jesse Mercado, Fr. Jek Arada, Fr. Dennis Soriano, Fr. Dodot Torres, Fr. Gennie Diwa, Fr. Roland Macale, Fr. Nino Etulle, SCJ, Fr. Joel Rescobar, CM, Fr. Paul Talavera, OP, Fr. Joel Saballa, CFIC, Fr. Bobby Yap, SJ, Fr. Jett Villarin, SJ, Fr. Manoling Francisco, SJ, Fr. Flavie Villanueva, SVD, Fr. Aloysius Maranan, OSB, Fr. Jojo Simon, Msgr. Jun Bugaon, Fr. Danny Pilario, CM, Fr. Joy Tajonera, Fr. Bing Caintic, ICM, Fr. Herbie Santos, Fr. Robert Reyes, Fr. Rey.
Ang dugo ay buhay. Kapag naubos ang dugo, patay. Mayaman o dukha, bata o matanda, marunong o mangmang, babae o lalaki. magkakapantay tayo. Lahat ng dugo ay pula. Walang dugong iba ang kulay. Walang dugong dilaw o bughaw. Walang dugong kulay rainbow.
Ang pagdanak ng dugo ni Abel sa kamay ng kapatid na si Cain ay kasalanang naghuhumiyaw galing sa lupa na nananawagan ng katarungan. Sa mga unang dahon pa lamang ng Biblia, naroon na ang pagkakadilig sa lupa, ng dugo ng kapatid na pinaslang. Kapag bagay ang ninakaw, maaaring isauli. Kapag dugo ang ninakaw at nalagot ang buhay, paano ito maisasauli? Huwag kang papatay. Maliwanag ang utos ng Diyos.
Ang pagdanak ng dugo ay sinagot ng higanti. Maraming pinatay na kalaban si Haring David at ang kanyang mga kaapu-apuhan. Dahil madugo ang kanyang kamay, hindi niya nakita ang katuparan ng pangakong Tahanan ng Diyos.
Dugo ang bayad sa dugong dumanak sa kamay ng kapwa tao. Upang tapusin na ang higanti ng dugo para sa dugo, ibinigay ng Panginoong Diyos ang kanyang Katawan at Dugo sa Huling Hapunan at sa krus para sa kapatawaran ng kasalanan ng mundo.

Ninoy Aquino’s presence in the Sto. Domingo crowd
Ang dugo ay buhay. Ang dugo ay pag-ibig ng Diyos. Walang hihigit pang pag-ibig sa magbuhos ng dugo para sa pinakamamahal. Iyan ng ginagawa natin ngayon—ang sariwain para sa ating panahon ang ginawa ni Jesus at ialay na muli sa Ama, ang Dugo at Katawan ni Jesus, bilang bayad puri sa kasalanan ng bawat isa at sa sala ng buong mundo.
Ang dugo ng Diyos ay buhay para sa mundo. Ang dugo ni Jesus ay para sa walang hanggan.
Ang dugo ni Jesus ay buhay para sa mga patay. Ang dugo ni Jesus ay hamon na maghandog din tayo ng buhay para sa kapwa.
Dumanak ang dugo sa tarmac ng airport apat na pung taon na ang nakakalipas. Seminarista pa lamang kami. Ang iba sa inyo ay baka hindi pa naipanganak.
Nagulat ang bayan sa kahayupan sa airport. Nag himagsik ang damdamin at sumigaw kami noon “Sobra na! Tama na! Palitan na”. Hindi ka nag-iisa Ninoy! Sa Liwasang Bonifacio may placard. Sa Ayala Avenue may yellow confetti. Naiyak. Nagalit. Nalito. Nagtanong. Nanindigan at umawit ng Bayan Ko. Libu libo ang naglamay at pumila sa ilalin ng init ng araw upang mag bigay galang sa bangkay ni Senator Ninoy dito sa Santo Domingo. Ang kanyang duguang damit at mukhang nangingitim, may tanda pa ng pagka subsob dahil sa pagpaslang, ay yumanig sa bansang takot at bulag. Nagising na kami. Hindi na kami babalik sa dilim. Hindi na pipikit. Hindi ka nag-iisa.
Iyon ng binhi na ipinunla sa tarmac na namunga ng mapayapang pagbabago sa EDSA People Power 1986. Walang namatay at pinatay sa EDSA People Power. Hinayaan tumakas na buhay ang diktador. Ang dugo sa tarmac ay bumangon, lumipad at tumimo sa puso ng Pilipinong nagising at umayaw nang pumikit pa ulit.
Pagkatapos ng apatnapung taon, naririto tayo sa parehong simbahan kung saan siya ibinurol. May dahilan pa ba? May kabuluhan pa ba? Para saan pa? Nakalimutan na ba?

Ang turo ng EDSA–Mapayapang paraang pagbabago. Katotohanan, kalayaan, katarunga
Ang dugo ng senador at dugo ng yagit ay magkapantay sa harap ng Diyos. Pare pareho naman tayong yagit
Ipinagpilitang lutasin ng drug problem sa pamamaril. Ang dugo sa tarmac ay kumalat na sa bangketa at lansangan. Dugo sa mga madidilim eskinita at walang kuryenteng bahay sa tambakan. Ang dugo ng senador at dugo ng yagit ay magkapantay sa harap ng Diyos. Pare pareho naman tayong yagit. May parusang impiyerno para sa bayang nakatuntong sa patung patong na bangkay ng mga pinaslang. At pumapalakpak pa at nagtatawa!!
Ang dugo ay buhay subalit ang pagdanak ng dugo ng kapwa ay sumpa para sa atin. May huling paghuhukom at walang makakatakas sa Hukom ng mga buhay at patay.
Patuloy pa rin ang pagpaslang sa kababayan hindi lamang sa bala ng baril.
May bala ring nakamamatay ang mga pirma sa mga batas ng Kongreso at sentensiya ng hukuman na bulag sa pagbabalik ng ninakaw na yaman at buwis na ayaw bayaran.
Nagdurugo rin ang bayan dahil sa matayog na korupsyon na parang saranggola ni Pepe hindi na maabot nang tanaw. Nagdurugo rin ang bayan dahil sa Philhealth funds noong pandemic na hindi malaman kung nasaan.
Nagdurugo rin ang bayan dahil sa pagtatakip at pagkupkop sa mga mamamatay tao na kailangang tugisin ng batas.
Nagdurugo rin ang bayan sa walang ampat na fake news at bayarang trolls na bumabaluktot sa ating kaisipan, katwiran at pagpapasya.
Nagdurugo rin ang bayan kapag ang gobyerno ay tulog habang bayan ay nakalubog. Nagdurugo at naghihingalo ang bayan dahil sa bilyon bilyong confidential at intelligence funds na hindi malaman kung saan papunta ang agos habang doble na ang presyo ng bigas.

The children and grandchildren of Benigno Aquino, Jr. at Sto. Domingo Church
Bumaha tayo noon sa dugo ng mga kababayang pinatay sa drug war. Ngayon ay bumabaha naman at nalulunod sa lalim ng pangungutang.
Nakakamatay ang corruption. Dugo at pawis ng dukha ang nagbabayad nito. Nakakamatay ang pagsisinungaling. Liars go to hell.
Buhay tayo dahil sa dugo mga bayani. Ang katotohanan ay buhay. Ang katapatan ay buhay. Ang kabayanihan ay buhay.
Nagising tayo noong 1983 dahil sa dugo ni Senator Ninoy. Naligtas at napatawad tayo sa kasalanan dahil sa dugo ni Jesus.
Nagkalat pa rin ang dugo pero bakit parang nasanay na tayo at naging manhid na. Walang gana? Walang pakialam? Walang hiya para sa masama? Mahirap gisingin ang nagtutulug-tulugan! Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan.
Hindi sapat na alalahanin ang kabayanihan ni Senator Ninoy. Kailangan tayong bumangon at gumising sa pag tutulug-tulugan. Ampatin natin ang pagdudurugo bago mahuli ang lahat. Ang simula noong 1983 ay siya ring simula ngayon.
“If then my people, upon whom my name has been pronounced, humble themselves and pray, and seek my face and turn from their evil ways, I will hear them from heaven and pardon their sins and heal their land.”

Church and political leaders at Sto. Domingo Mass, including former Vice President Leni Robredo and former senator Franklin Drilon

May problema ang bayan. Ang problema ay ako. Hindi sila!
May lunas ang bayan. Ang lunas ay nasa akin. Hindi sa kanila!
Kapag nagbago ako at nagsisi, magbabago rin ang bayan. Ang dugo ay buhay. Gisingin sana tayo ng dugo ni Jesus at dugo ng mga bayani.
May tinig ang dugo ng bayaning si Ninoy. The Filipino is worth dying for. Nagawa ko na ang lubos na kaya ko. Kayo naman.
Wika ng Panginoon. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.
Tayo naman. Walang iwanan. Tuloy ang laban.

Ninoy’s eldest daughter, Ballsy Aquino-Cruz, gives emotional remarks after Mass.
Statement of Ms. Ballsy Aquino-Cruz:
Magandang umaga po sa inyong lahat! Ako po si Ballsy, ang panganay ni Ninoy at ni Cory. 40 na taon ang nakalipas, subalit maliwanang na maliwanag pa rin sa isip ko ang nangyari noong gabi ng August 20 sa Boston. Ilang araw na akong nag-aalala sa maaaring mangyari sa ama kong si Ninoy Aquino pag tungtong niya sa Maynila. Maghahating-gabi na noong Sabadong iyon sa Boston. Linggo na dito ng August 21. Malapit nang dumating iyong eroplanong sinakyan ni Ninoy.
Bago siya umalis, pinaliwanang niya sa amin kung bakit kailangan niyang makabalik. Malaking maliki na ang problema ng bayan, at ang paniwala niya, mas makakatulong siya kung nasa Pilipinas siya. Pinag-usapan naming pamilya ang maaaring gawin ng goberyno sa kanya. Sinabi niya na malamang aarestuhin na siya sa airport pa lamang kasi isa siya sa mga matinding kritiko ng pangulo noon.
Nasabi rin niya na maaaring mapatay siya. Dahil daw na-heart attack na siya, pwedeng lagayan ng unan ang mukha niya at daganan para hindi na siya makahinga at palabasin na lang na inatake siya sa puso. May nagsabi din na hindi maaalis ang posebilidad na barilin siya pag dating niya.
Sinubukan ng marami na pigilin siyang umuwi kasi tahimik na ang buhay namin sa Boston. But he said he will not be able live with himself, knowing he could’ve done something, and he did not even try. Kaya nagsuot siya ng bulletproof vest, at naisip din namin na iyong mga tiga-media galing sa iba-ibang bansa, maaari din magsilbing kadagdagang proteksyon.
Dahil hindi ako makatulong, pumasok ako sa kuwarto ng ina kong si Cory. Sinabi ko sa kanya na hindi ako mapakali kaya tatabi na muna ako sa kanya. Siya rin pala, gising na gising din. Pareho kaming kinakabahan at hindi makatulog, nag-aantay ng balita galing sa Maynila.
Hindi nagtagal, nag-ring yung telepono. Ako iyong malapit, kaya ako ang sumagot. Kaka-hello ko pa lang noong nag-aapurang sinabi noong isang Hapon na reporter na siya daw ay tiga-Kyodo News Agency at gusto niyang malaman kung totoo na nabaril si Ninoy Aquino at napatay.
Parang biglang huminto iyong puso ko. Sinubukan kong tanungin nang mahinahon kung saan niya nabalitaan iyon. Kasalukuyang kumakalat daw iyong balita. Nakatingin si Cory sa akin noong mga sandaling iyon, at noong sinara ko iyong telepono, tinanong niya kung sino ang tumawag at ano iyong sinabi. Kahit na akala ko na kalmado ako, naramdaman niya na may masamang nangyari. Sinabi ko na isang Hapon na reporter iyong tumawag kasi nabalitaan niya na nabaril si Ninoy. Hindi ko na sinabi na tinanong niya kung totoong napatay nga si Ninoy.
Sa mga sandaling iyon, pumasok si Noynoy sa kuwarto para sabihin na may balita siyang nadinig sa CNN, pero hindi pa daw kumpirmado. Tinawagan ni Cory iyong kaibigan namin sa Associated Press, si Arnold Zeitlin, para tanungin kung may balita na siya tungkol kay Ninoy. Sinabi ni Mr. Zeitlin na wala pa siyang natatanggap na balita. Ang katotohanan, alam na pala niya, pero hindi daw kinaya ng puso niya na sabhinin iyong nangyari kay Cory.
Pagkatapos noon, sunud-sunod na ang mga tawag sa telepono. Ang nagkumpirma na wala na si Ninoy ay si Shintaro Ishihara, isang pultikong Hapon na matagal nang kaibigan ng mga magulang ko. Sinabi niya na tinawagan siya ni Kiyoshi Wakamiya, isang manunulat na kasama ng eroplanong sinakyan ni Ninoy.
Pumasok si Cory sa banyo, at pagkaraan ng ilang minuto, kalmado niyang sinabi sa amin nila Pinky, Noynoy, Viel, at Kris na wala na kaming magagawa sa mga sandaling iyon kung hindi lumuhod at magdasal. Kaya lumuhod kaming lahat at nag-rosaryo. Summer sa Boston noon, pero alala ko nanginginig ako at giniginaw nung gabing iyon.
Sinabi ni Ninoy sa huling liham niya na wala siyang maiiwang kayamanan sa amin. Ang maiiwan lang daw niya ay iyong pangalang inalagaan niyang panatiliing mainis. Subalit hindi niya na naisip na iniwanan din niya kami ng isang isang bagay na higit pa doon. Ito ay ang pag-asa na nanggagaling sa malalim na pananampalataya at tiwala sa ating Panginoon na hindi niya tayo pababayaan at mananaig din ang tama, ang katotohanan.
Ilang taong nakakulong si Ninoy, ilang panahon in solitary confinement, nahatulan ng kamatayan base sa mga imbentong charges, inatake sa puso, halos namatay noong nag-hunger strike dahil pinanindigan niya iyong kanyang mga paniwala at pinaglalaban. Ngunit hindi siya nawalan ng pag-asa kahit kailanman hanggang sa huli dahil para sa kanya, the Filipino is worth dying for.
Noong napaslang siya, nagulat kami sa dami ng nagising, nakiramay, nagdasal, at nakipaglibing. Noong nawala na siya sa piling namin dito sa mundo, ilang beses din pinakita sa amin ni Ninoy, ni Cory, at ni Noynoy na hindi sila nawalan ng pag-asa na maaayos din iyong mga problemang hinarap nila.
Sa mga panahon ngayon, ilan na ang nagsabi sa akin na sayang ang lahat ng sinakripisyo nila Ninoy, Cory, at Noynoy. Nasaan na naman daw tayo ngayon? At bakit nasira ng mga kalaban ang pangalan ni Ninoy, ni Cory, at ni Noynoy?
Sinabi ko na tinuro sa akin ng mga magulang ko na ang kabutihan na ginagawa natin ay hindi nawawala. Maaaring natatakpan o nakakalimutan, ngunit hindi nawawala. Sinabi ko rin na totoo, nakakalungkot na kung anu-anong kasinungalingan ang kinakalat ng mga kalaban.
But I shared with them what keeps me hopeful. St. Matthew wrote that Jesus said, “Nothing is concealed that will not be revealed nor secret that will not be known.” He goes on to say, “Do not be afraid of those but kill the body but cannot kill the soul. Rather, be afraid of the one who can destroy both soul and body.”
Sa huling paghuhukom, sa Last Judgment, turo nga sa atin, mahihiwalay ang mga matino at naapi sa mga sinungaling nagsamantala nang-abuso at nang-api. Kapit lang tayo sa pag-asa na mananaig ang katotohanan. Kahit wala tayong maihaharap sa salapi ng ating mga kalaban, kung tayo ay magtutulungan iwasto ang mga mali, kahit unti-unti, balang araw, dadating din ang ating inaasam-asam.
My heart is full, as well as the hearts of Pinky, Viel, and Kris, our spouses and our children, full of love and gratitude. Thank you Archbishop Soc, thank you to our bishops and priests who concelebrated the Mass. And to you, our fellow Filipinos, who joined us today. When being seen with the Aquinos is not exactly in fashion during this time, thank you for being one with us today in remembering Ninoy Aquino, the man who dreamed the impossible dream, running where the brave dare not go, to fight for the right without question or pause, for the Filipino he believed worth dying for.
Maraming salamat po!




