(Below is the speech delivered by Kiko Aquino Dee, the grandson of Ninoy Aquino, last August 21 in Concepcion, Tarlac. August 2024 will be remembered as the month and year that the death anniversary of Ninoy Aquino—41st this year—was not a public holiday. Instead, August 21 in the nation’s calendar gave way to a long holiday weekend ostensibly to boost domestic tourism. The commemoration of the political martyrdom continued nonetheless in a few cases, such as in Tarlac, where Dee shared his thoughts, and bared his heart.)
Magandang umaga po!
Ako po si Kiko Aquino Dee, isa sa mga apo ni Sen. Ninoy Aquino. Maraming maraming salamat po sa Concepcion at kay Mayor Noel Villanueva para inyong mainit na pagtanggap ngayong umaga. Maraming salamat din kay Fr. O’Neal Sanchez para sa misa kanina.
Noong 2023 pa po kaming nagpasya sa Ninoy and Cory Aquino Foundation na tumungo rito sa Concepcion para sa paggunita sa alaala ni Lolo Ninoy nitong taon. Binalak po kasi naming sumama sa paggunita ninyo sa ika-40 anibersaryo, pero nagkasabay-sabay lang din po ‘yung mga plano dito sa mga gawain sa Maynila. Kaya agad po kaming nangako na sa Concepcion naman tayo nitong 2024. Hindi naman po ako minulto ni Lolo Ninoy noong gabi….
Dalawang damdamin po siguro ang gusto kong ibahagi sa inyo ngayong umaga. Una po rito ang pag-ibig.
Saan po kaya galing ‘yung, “The Filipino is worth dying for.”? Hindi po ako sigurado, pero ‘yung hula ko po ay ang Lupang Hinirang. “Aming ligaya na pag may mang-aapi, ang mamatay nang dahil sa ‘yo.” Ano naman po siguro ang hugot ng ganitong sentimiento? Hula ko po ‘yung katabing linya: “Buhay ay langit sa piling mo.” Langit ang turing ni Lolo Ninoy sa buhay sa piling ng kapwa Pilipino.
Ganito po siguro magmahal ang mga bayani. Hindi siya awa, ‘yung pagmamahal na pababa. Bagkus, pagmamahal siyang pataas na nakaugat sa paghanga niya sa dangal ng Pilipino. Sobrang taas ng tingin ni Lolo Ninoy sa kapwa Pilipino. Kaya siguro hindi niya napigilan ang sarili niya nang lumaya siya noong 1980. Bagama’t kakaopera lang sa kanya at nangako siyang hindi siya mambabatikos sa diktadura, tila wala siyang tinanggihang imbitasyon mula sa mga Pilipino sa Amerika. At nang makasama niya ang kapwang minamahal niya, hindi niya mapigilang bigkasin ang nilalaman ng kanyang puso: Na hindi na tatanggapin ng dangal ng Pilipino ang anumang paglabag sa kanyang kalayaan.
Sobra-sobra ang pag-ibig ni Lolo Ninoy para sa bayan, ngunit nang siya’y nagpakabayani, ibang damdamin naman ang bumalot sa mga puso ng kanyang pamilya.
Kamakailan lang po kaming nag-usap ng isang pinsan ko tungkol sa press conference ni Lola Cory nang siya’y lumapag sa Maynila pagkatapos ng pagpaslang sa kanyang asawang si Lolo Ninoy. Bihira lang naming nakitang magalit si Lola, pero damang dama namin yung galit niya sa bidyo. Noong tinanong siya kung mayroon siyang kakasuhan, mabilis siyang sumagot, “Mayroon ba kayong maimumungkahing korteng puwede kong lapitan?” Nagtawanan ang mga tao, pero malinaw na hindi tuwa ang naramdaman nila noon.
Naaalala ko rin po ang kuwento tungkol kay Lola Aurora, ang nanay ni Lolo Ninoy. Nang makita niya ang duguang katawan, binilin niya, “Huwag niyong linisin ang labi. Gusto kong makita ng mundo ang ginawa nila sa aking anak.”
Minsan ding napag-usapan ni Tito Noy at ng kanyang staff noong presidente na siya ang pagpaslang kay Lolo Ninoy. Sabi raw ni Tito Noy, “Hindi ako natutuwa sa kinukwento ko ngayon.” Kung ano raw ‘yung naramdaman niya noong una niyang nakita ang bidyo ng mga sundalong sumundo sa kanyang ama sa eroplano, iyon pa rin ang nararamdaman niya sa bawat beses na inaalala niya ang nangyari.
Wala po sa aming magpinsan ang nakakilala kay Lolo Ninoy, kaya habang lumalaki kami, ang nararamdaman namin tuwing nagpag-uusapan siya ay pareho siguro sa mga nararamdaman ninyo: Hinahangaan namin ang tapang niya. Nagpapasalamat kami para sa kanyang sakripisyo. At ipinagmamalaki namin ang naidulot ng kanyang pagkabayani. Sadya sigurong hindi ipinamana ng aming mga magulang ang galit na naramdaman nila noon.
Ayoko pong magsalita para sa mga pinsan ko pero para sa akin na lang po, ngayong binabalikan ko ang mga salita nina Lola Cory, Lola Aurora, at Tito Noy, mukhang hindi nasunod ‘yung gusto ng nanay ko. Galit po ako. Galit ako na hindi lang nila pinatay ang lolo ko, siniraan nila ang kanyang pangalan, binastos nila ang kanyang rebulto, at ginuluhan pa nila ‘yung mismong araw na ito.
Ano kaya ang sasabihin ni Lolo Ninoy kung nakikita niya ang ganitong galit ng kanyang apo? Magpatawad at magkalimutan na lang ba?
Kung sa isang tao o pamilya lamang ang galit na ito, siguro ‘yun nga ang sasabihin niya. Ika nga niya, pinatawad at kinalimutan na niya ang mga ginawa ni Pang. Marcos, Sr. sa kanya. Wala na raw siyang sama ng loob, pero inalay pa rin niya ang huling patak ng kanyang dugo para sa katapusan ng diktadura at sa kalayaan ng bawat Pilipino.
Hindi naman ata nawalay kay Lolo Ninoy ang galit niya kay Marcos. Nagbago lang po ata ang ugat nito.
Nang siya’y naging unang bilanggo ng Batas Militar, ang pinagmulan siguro ng galit niya ay ang ambisyon niyang maging presidente, at si Marcos ang pinakamalaking sagabal sa ambisyong ito. Nadamay rin ata ang taumbayan sa galit ni Lolo Ninoy kasi sa punto de bista niya sa kanyang selda, tila walang umimik sa harap ng lahat ng pang-aabusong ginawa sa kanya.
Subalit nang napagtanto niya na ang gapos na nakatali sa kanya sa kulungan ay ang parehong gapos na nakatali sa buong bayan, ang gutom na naranasan niya sa kanyang hunger strike ay ang parehong gutom na naranasan ng bayan habang tsumitsibog ang mga nasa poder, at ang galit niya ay ang parehong galit ng mga mamamayang nanindigan laban sa kawalan ng katarugan bago pa man mag-Martial Law, nawala ang kanyang ambisyon.
Pag-ibig ang pumalit, pag-ibig para sa bayang walang pinagkaiba sa kanya: parehong nagagalit, parehong nagdurusa, parehong nainindigan. Naging bayani lang si Lolo Ninoy noong pag-ibig ang pumalit sa ambisyon, at naging lunas lang sa diktadura ang kanyang galit noong nakaangkla na ito sa pag-ibig.
Kaya sa araw pong ito, ito po ang hamon para sa mga kagaya kong nagdadala ng galit, para sa mga nagsasabing “Pilipinas, ang hirap mong mahalin,” at para sa lahat ng nagmamahal kay Lolo Ninoy: Tuklasin po natin ang pag-ibig natin para sa kapwa Pilipino na walang pinagkaiba sa pag-ibig natin para sa ating mga sarili. Higit pa sa pag-aalay ng sariling buhay, ito siguro ang halimbawa ni Lolo Ninoy na gusto niyang masunod.
Muli, maraming maraming salamat po sa inyong lahat at magandang umaga po.
Anger and the grace
Jonty Cruz, another grandson of Ninoy and Cory Aquino, posted in his social media on Aug. 21, 2024:
“Sharing some clips from Lola and the family’s first press conference after coming home to the Philippines in ‘83. While anger is often thought of as a lesser reaction, I think there’s a kind of righteous anger, not to mention the grace to live with it and not succumb to it, that I feel is just as vital and perhaps more honest than any other emotion. And as threats to downplay the importance of August 21 keep coming, perhaps as important as it is to commemorate the sacrifice and heroism of Ninoy Aquino, it would also do us good to remember the anger that came from his murder.
“Will always be grateful and unworthy of being related to Lolo Ninoy, Lola Cory, and the whole family who went through unimaginable circumstances and never relinquished their dignity to the enemy.”