Ika-7 ng Oktubre 2021
Dear Bok,
Alam mo ba, nagdeklara na si VP Leni na tatakbo siyang bilang pangulo sa darating na halalan sa 2022. Hindi naman kaila sa iyo na isa akong masugid na taga-suporta ni VP Leni, di ba? Grabe yung talumpati niya!!! Habang pinapanuod ko siya, damang-dama ko yung sakripisyo na pinapasan at papasanin pa niya.
Walang kasiguruhan ang naging desisyon niya dahil talagang napakalakas ng agos kontra sa mga pinaglalaban niya at pinaninindigan niya para sa bayan at sa ating lahat. Ngunit walang takot niyang binigkas na, “Lalaban ako; lalaban tayo.”
Ibinahagi din niya na ang naging matimbang sa kanyang pagninilay at pagdarasal ay ang kasalukuyang sitwasyon ng ating bayan. Ito ang kanyang naging pahayag:
“Buhay at kinabukasan ng Pilipino ang pinag-uusapan natin ngayon. Pinipilahan ang mga ospital, dumadaing ang mga health workers, at nagugutom ang mga nawalan ng trabaho. Samantala, bilyon-bilyong piso ang inilagay sa mga kuwestiyonableng kontrata habang milyon-milyong Pilipino ang naghihikahos.
“Alam na nating lahat ito: Kaya maraming nagugutom, naghihirap, at namamatay, dahil sariling interes at hindi kapakanan ng Pilipino ang number one priority ng mga nasa poder. Ang kawalan ng maayos na pamamahala ang ugat ng ating maraming mga problema, at ito ang kailangang wakasan.
“At kung gusto nating tunay na makalaya sa ganitong sitwasyon, hindi lang apelyido ng mga nasa poder ‘yung dapat palitan; ‘yung korupsyon, ‘yung incompetence, ‘yung kawalan ng malasakit, kailangang palitan ng matino at mahusay na pamumuno. Handa dapat tayong iwaksi nang buong-buo ang mga agenda, ang mga interes, ang mismong mga tao at klase ng pulitika na sanhi ng pinagdaraanan ng bansa natin ngayon. Kung hindi ka lilinya nang malinaw; kung makikipagkompromiso ka; kung hindi mo man lang kayang sabihin na mali ang mali—na kaninong panig ka ba talaga?
“Malinaw kung nasaan ako: Nasa panig tayo ng mga sinasagad ang lahat para iraos ang sarili, ang pamilya, ang kapwa, mula sa pandemyang ito. Iba-iba man ang konteksto natin, pamilyar sa ating lahat ang pakiramdam ng pagiging nasa laylayan; ang paghahanap ng makakapitan, ‘yung handa kang kumatok sa kahit saang pintuan, ‘yung halos isigaw mo sa kahit sinong makakarinig: Tulong.”
Pagkatapos ng kanyang talumpati, nag-alab muli ang pag-asa sa aking puso. Sa wakas mayroon na namang isang mamumuno sa atin na ang pangunahing hangarin ay ang ikabubuti ng iba at hindi mag-aalinlangan na ialay ang lahat kahit ang kanyang buhay.
Ngunit, ilang minuto pa lang ang lumipas nang sinabi sa akin ng aking asawa na si Didi na pumanaw ka na raw. Sa isang iglap, ang sigla at saya na nadarama ay natunaw sa kalungkutan. Biglang ang mga ala-alang sumagi sa isipan ko ay yung mga nakaraang araw na sumaklolo ka dahil ang mga magulang mo, pati na rin ang kapatid at bayaw mo na may dalawang anak (na may edad apat at isa) ay nag positibo sa COVID. Muli kong naalala ang matinding pangamba at takot mo noon dahil hindi mo na malaman kung sino ang mag-aalaga sa kanila dahil pare-pareho silang nanlalata at nanghihina na. Batid ko din na nag-aagaw ang puso mo noon dahil kung ikaw ang pupunta doon sa bahay nila sa Cavite, mapipilitan kang iwanan ang iyong sariling pamilya sa Parañaque sapagkat malaki ang posibilidad na mahawa ka din dahil hindi ka pa nabakunahan.
Ngunit, hindi ko malilimutan na nagpasya ka na din sumugod doon para asikasuhin ang mga pangangailangan ng iyong mga magulang, kapatid at bayaw. Ikaw din mismo and nagbuhat sa mga magulang mo para masakay sila sa ambulansya na pinadala ng munisipyo sa tulong ng ilang kaibigan. Ngunit sa kasawiang palad, ilang oras lang ang lumipas mula nang dumating kayo sa ospital, natanggap ko na yung text mo na hindi na kinaya ni nanay at sumakabilang buhay na siya.
Hindi ko din malilimutan kung paano mo isinang tabi muna ang pagluluksa sa pagpanaw ni nanay, dahil naghihingalo pa din si tatay na hindi na mabigyan ng nararapat na pansin dahil sobrang puno na ang ospital sa Dasmariñas, Cavite. Salamat naman sa tulong muli ng mga kaibigan ay nailipat mo si tatay sa isang ospital sa Imus na may Intensive Care Unit.
Paglipas ng ilang araw binalita mo na din sa akin na na-cremate na si nanay at ikaw ay nanirahan na muna sa bahay ninyo sa Cavite para masigurong hindi mo mahawaan ang iyong sariling pamilya sa Parañaque.
Ngunit hindi na din tumagal na nakaramdam ka na din ng mga simtomas ng COVID. Salamat naman sa tulong ng mga dati mong estudyante ay agad-agad kanilang napasundo sa Cavite para mailagay sa isang ospital sa Tarlac, sa dahilang wala na talagang ospital sa Cavite na makatatanggap sa iyo noon.
Buong akala namin ni Didi na tuloy-tuloy na ang paggaling mo. Nag text ka pa nga kay Didi at sinabi mong umiigi ka na at “okay lang matagal basta siguradong gagaling.”
Alam mo Bok, sa talumpati kanina ni Bise Presidente Leni, may sinabi din siya na hindi ko malilimutan. Hindi ko siya malilimutan kasi ito talaga ang tunay na hamon ng bawa’t isa sa amin na nananatili pa sa mundong ito. Ayaan mong ibahagi sa iyo ang mga sinabi niya:
“Ina akong nakikita ang pagdurusa ng minamahal kong bansa. Naniniwala ako: Ang pag-ibig, nasusukat hindi lang sa pagtitiis, kundi sa kahandaang lumaban, kahit gaano kahirap, para matapos na ang pagtitiis. Ang nagmamahal, kailangang ipaglaban ang minamahal.”
Ay naku Bok, napakalungkot isipin na wala ka na. Pero siguro sabi nga ng Panginoon:
“Bok halika na! Tapos na ang misyon mo. Naipamalas mo na sa Akin na buong-buo ang loob mo na ipaglaban ang mga minamahal mo. Naipamalas mo na sa lahat kung paanong tunay magmahal.”
Bok, hindi namin sasayangin ang sakripisyo at kabayanihang ipinamalas mo. Binigyan mo kami ng panibagong inspirasyon at tapang na ipaglaban din ang aming minamahal.
Hanggang sa muling pagtatagpo, maraming salamat at mamayapa ka na Bok!
Lubos na humahanga,
Rapa